Makasaysayan ang kahapon*
Makasaysayan ang kahapon,
Makasaysayan, hindi sa pakahulugan na inilalagay natin sya sa pedestal.
Makasaysayan, sa simpleng dahilan na naroon ka, at kasama ang sambayanan.
Makasaysayan ang mahaba ngunit masayang martsa, hindi natin inalintana ang geograpikal na distansya ng Diliman at Mendiola. Hindi natin inalintana ang pagod at hirap, gutom at uhaw, at higit sa lahat, ang ubos kayang pagtitiyak na nakasinsin ang ating hanay.
Makasaysayan ang malalakas na mga sigaw, mga hiyaw ito na simbolo ng pagbabalikwas. Maging ang mga kanta, palakpak, takbuhan at tawanan – lahat ito ay nakapagpagaan sa bigat nating pasan.
Makasaysayan ang pag aaral natin ng lipunan sa lansangan ng Mendiola. Ang walang pagod at mapagkumbabang pakikipag aralan sa masa, ang matiyagang pagpapatimo at pagpapayakap sa kanila ng ating linya at programa. Pambansa Demokratikong Programa na nilikha para sa kanila, higit kanino man.
Makasaysayan ang gabi ng mga sulo at apirmasyon. Muli itong nakapagpanumbalik ng lakas sa ating diwang pagal at nakapagpataas sa ating mga moral. Hanggang sa huling martsa pa-Morayta, isinigaw nating mga panawagan mula edukasyon hanggang digmaan, mula kalunsuran hanggang kanayunan.
At sa pagtatapos ng lahat, alam kong kasabay ng itinakdang pansamantalang paghihiwalay, ay makikita ka ulit kinabukasan na kumakaway.
Makasaysayan ang kahapon,
Makasaysayan, hindi sa pakahulugan na inilalagay natin sya sa pedestal.
Makasaysayan, sa simpleng dahilan na naroon ka, at kasama ang sambayanan.
Nagpapatuloy at nagsusumikhay sa pinili nating larangan.
24Sept2011 07 : 23PM USC Office,V*Para sa matagumpay na student strikes
